Konsehal ng Davao City, idinawit sa milyong 'tara' sa Customs

ABS-CBN News

Posted at Aug 22 2017 09:34 PM | Updated as of Aug 22 2017 11:58 PM

Sinabi ng isang Customs broker nitong Martes na nagbigay siya ng P5 milyon sa isang konsehal ng Davao City para madulas na makapasok ang kanyang mga kargamento at hindi na inspeksiyonin. 

Ayon kay Mark Taguba, nagbigay siya ng P5 milyon kay Davao City Councilor Small Abellera Jr. Humarap si Taguba sa pagdinig ng Senado sa P6.4-billion illegal drug shipment mula China na umano ay pinalusot ng mga opisyal ng Bureau of Customs. 
 
Binasa ni Taguba sa mga senador ang text mesage na natanggap niya mula kay alyas 'Tita Nani', Enero 11 ngayong taon.

Miyembro aniya si 'Tita Nani' ng "Davao Group" at nilalapitan ang grupong ito ni Taguba upang mapabilis ang pagpasok ng mga kargamento niya sa Customs.

Binanggit ni Taguba na P5 milyon ang hiningi ng nasabing grupo bilang "enrolment fee" at personal niya itong ibinigay kay Abellera nang magkita sila sa Davao noon ding Enero. 

Isang alyas 'Jack' na minsan na ring itinuro ni Taguba ang aniya'y nag-ayos ng meeting. Ayon sa text message ni 'Tita Nani,' si 'Jack' daw ay ang handler ni Vice Mayor Paolo Duterte, anak ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Taguba, dinala siya ni 'Jack' sa isang restawran noong Enero kung saan naroon din si Abellera, at saka sila nag-usap tungkol sa P5 milyon. 

Ani Taguba, sabi ni Abellera, bago niya raw tanggapin ang pera, dapat daw ay maging maayos ang pagpapadala nilang dalawa. Lingguhan daw dapat na magpadala si Taguba, ayon kay Abellera. 

Samantala, tumangging magbigay ng panayam ang vice mayor. Hindi rin sumipot sa pagdinig ng Senado si Abellera dahil sa hypertension. 

Ayon naman kay Senador Antonio "Sonny" Trillanes IV, kilalang malapit ang vice mayor at si Abellera.

Allen Capuyan, Jojo Bacud at Mike Sablan

Kuwento ni Taguba, muling nasita ang mga kargamento niya makaraan ang tatlong buwan kaya inilapit siya ni 'Tita Nani' sa isa pa nitong grupo na kinabibilangan nina retired Colonel Allen Capuyan at alyas 'Noel'. 

Ayon kay Taguba, sa kanilang pagkikita ni Capuyan, hindi na raw sila maa-'alert' dahil IAS (Internal Affairs Service) lang umano ang may kakayahang mag-'alert'. 

Dito na nabigyan si Taguba ng 'tariff codes' para aniya'y makalusot agad sa green lane ang mga ipinupuslit na kargamento. 

Bagama't bago rito, itinuro ni Taguba ang kababayang si Jojo Bacud na una niyang binayaran ng P5,000 kada kargamento, kada linggo. Pakilala ni Bacud, kabilang siya sa anti-smuggling unit ng Customs kaya madali nitong napalulusot ang mga kargamento.

Pero kalauna'y pumasok sa eksena ang isang Mike Sablan na inipit umano ang mga shipment matapos makaalitan ang ama ni Taguba.

Balak ipatawag sina Abellera, Capuyan, at Bacud sa susunod na pagdinig sa Agosto 29. Kasama rin dito ang papaalis na commissioner ng Customs na si Nicanor Faeldon.

-- Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.