Mga katutubo nagbigay-pugay kay Gina Lopez

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 08:36 PM | Updated as of Aug 23 2019 07:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbigay-pugay ang ilang katutubo sa ipinakitang pagmamahal ng yumaong si Gina Lopez sa kalikasan, turismo, at mga tao. 

Namatay nitong Lunes ang founder o nagtatag sa ABS-CBN Foundation sa edad na 65 dahil sa multiple organ failure. 

Sa pagsisilbi niya bilang environmental advocate at pilantropo, nabasbasan din ang mga katutubo sa mga hakbang ni Lopez para mapabuti ang kanilang mga komunidad. 

Kanta ang alay ng Blaan Tribal Community and Wellness Village sa Barangay Landan sa Polomolok, South Cotabato kay Lopez dahil sa kabutihang ipinagkaloob nito sa kanila. 

Taong 2017 nang isulong ni Lopez ang pagpapatayo ng Blaan Wellness Village. Hindi pa ito tapos, pero bukas na ito sa mga turista. 

Nagtanim din sila ng Blue Jacaranda tree sa lugar na ipinangalan kay Lopez. 

"Karamihan sa mga Blaan dito ay earth warriors at miyembro ng I LOVE Foundation na tumutulong para lumago ang komunidad at mabigyan ng kabuhayan ang mga indigenous peoples," ani Nonobert Malit, pinuno ng I LOVE Foundation Polomolok. 

Nagpasalamat din ang mga katutubo sa Palawan at South Cotabato sa pag-promote umano sa kanilang likas na yaman. 

Nakapagtayo ang mga taga-Brooke’s Point ng sariling virgin coconut oil (VCO) factory taong 2014 dahil sa suporta ni Lopez sa produkto. 

Nagpatayo rin ang pilantropo ng Eco-Academy sa Brooke's Point at pinaunlad ito para gawing eco-tourism site. 

Kuwento ng katutubo na si Susima Ybañez, namulat sila sa halaga ng pangangalaga sa kalikasan sa mga turo ni Lopez. 

"Kung hindi ito pinaglaban ni Ma'am Gina Lopez baka wala na ang kabundukan diyan, natibag-tibag na ng mining," aniya. 

Naging matagumpay rin ang 10 million signatures na "No to mining in Palawan" at naipasara ang dalawang malalaking minahan sa bayan ng Quezon at Narra. 

Nabigyan naman ng trabaho si Bernice Medino ng Dulag, Leyte sa pagtulong sa kanila ng ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation sa pamamagitan ni Lopez.

Sila ang namamahala ng San Jose Surf Camp na itinayo sa tulong ng foundation.

"Kasi sa akin, mas hinahanap ko 'yung mas mae-enjoy ko 'yung trabaho ko kaysa malaki nga 'yung sahod mo, pero hindi mo naman enjoy 'yung trabaho mo," ani Medino. 

Nakidalamhati naman sa Sitio Lamlifew sa Malungon, Sarangani Province ang mga taga-Blaan Women ng School of Living Traditions. 

Tinulungan umano sila ni Lopez na makapagtayo ng museum, training, at weaving center. 

Nagpasalamat sila sa mga iniwan sa kanila ni Lopez, na nagpabago ng buhay ng maraming katutubo. Pinapadala pa sa Maynila aniya ang mga produkto para maibenta. 

GINA'S ANGELS 

Watch more in iWant or TFC.tv


 
Samantala, layon ng ilang naiwang katrabaho ni Lopez na ipagpatuloy ang sinimulan nito. 

Kabilang sa mga staff ni Lopez sina Sarah Jane Bulan, Pat Varias, at Celina Therese Rotea, na tinaguriang "Gina's Angels." 

Ramdam daw nila ang kagustuhan na tumulong sa kapwa ni Lopez, na humawak sa ABS-CBN Foundation, Bantay Bata 163, sa Department of Environment and Natural Resources, at iba pa. 

Kilala man si Lopez sa iba't ibang papel, hindi alam ng marami na mahilig din siya sa mga larong pambata. Pero ang pinakahilig daw ni Lopez ang kumanta. 

Madalas daw magpa-videoke si Lopez, at niyayaya pa umano ito ang mga security guard na magsilbing judge sa kanila. 

"Ako 'yung kasama niya sa ospital, sabi ko kay ma’am 'see you sa work tomorrow'. Hinawakan ko na lang siya, nagpasalamat," mangiyak-ngiyak na kuwento ni Bulan.

Magkakaroon ng public viewing magmula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng madaling araw sa ABS-CBN compound mula Agosto 22 hanggang 23. 

Sa halip na mga bulaklak at mass card, hiniling ng pamilya ni Lopez na donasyon na lamang ang ipaabot sa ABS-CBN Foundation.

-- Ulat nina Jeff Canoy at Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.