Lalaki patay, kinakasama sugatan sa pamamaril sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 04:29 AM

MAYNILA—Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kaniyang kinakasama matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay 145, Zone 16, Pasay City.

Dead on arrival sa ospital si Sailanie Tumimbang na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan. Tinamaan naman ng bala sa balikat ang kaniyang kinakasama.

Ayon kay Police Senior Sgt. Noel Bordin ng Pasay City police, pinagbabaril ang mga biktima ng isang alyas Bokayo at isang hindi pa kilalang lalaki. Naabutan ng mga pulis na nakahandusay sa sahig ang mga biktima.

Base sa imbestigasyon, nasa drugs watch list si Tumimbang at Bokayo. Gantihan ang tinitingnang motibo ng mga pulis sa pamamaril.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.