Dalagita ipinaaresto ang ex dahil sa panggugulpi, pagpapakalat ng sex video

ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2019 03:09 PM | Updated as of Aug 21 2019 08:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Ipinaaresto ng isang 18-anyos na dalagita nitong Miyerkoles ang kaniyang dating kinakasama dahil sa umano'y pambubugbog at pagpapakalat ng kanilang malaswang video. 

Timbog si alyas "Rodel" sa ikinasang entrapment operation sa Balagtas, Bulacan matapos niyang tanggapin ang marked money mula sa dating live-in partner na si alyas "Camilla."

Kuwento ni Camilla, lagpas 9 buwan silang nagsama ng suspek at hindi bababa sa 5 beses siya nitong pinagbuhatan ng kamay. 

Nang nakipaghiwalay siya kay Rodel noong Agosto 5, doon na umano ikinalat ng suspek ang kanilang sex video.

Humingi pa daw ito ng pera kapalit ng hindi pagkalat sa iba pang video.

Sa tanggapan ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), hindi nakapagtimpi ang ina ni Camilla nang komprontahin niya ang suspek. 

"Nagmakaawa ako... Napakahayop ng ginawa mo sa anak ko," sambit ni alyas "Marites," ina ng biktima. 

Hindi naman itinanggi ni Rodel ang paratang at sinabing nadala lang daw siya ng selos. 

Kakasuhan si Rodel ng reklamong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004.


—Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.