7 umano'y miyembro ng BIFF patay sa Maguindanao

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 21 2018 05:37 PM

Pitong hinihinalang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang patay sa operasyon ng militar sa bayan ng Barongis, Maguindanao nitong Martes.

Kinilala ang mga nasawing miyembro umano ng BIFF sa mga alyas lamang na Abdullah, Rasul, Bayan, Hamdan, Abubakar, Tima at Hairiya.

Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, si Abdullah ay sub-commander ng grupo. Ang BIFF ay isang splinter group ng Moro Islamic Liberation Front. 

Ilang sibilyan ang nagbigay ng impormasyon sa presensya ng mga bandido sa kanilang lugar. 

Sa operasyon, nagpakawala ng mortar at howitzer ang tropa ng Philippine Army.

Itinuturong sangkot ang BIFF sa pangingikil at pangbobomba sa Central Mindanao.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.