UP students nag-walk out vs pagpasok ng militar, pulis sa mga campus

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 07:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa malawakang protesta idinaan ng mga estudyante at propesor ng iba't ibang campus ng University of the Philippines (UP) ang kanilang patutol sa pagpasok ng pulis at militar sa mga state university. 

Binansagan itong "UP Day of Walkout and Action" kung saan lumiban ang mga nagprotesta sa kanilang mga klase para isigaw ang kanilang hinaing. 

Bunga ito ng panukala ng ilang senator sa pangunguna ni Sen. Ronald "Bato" Dela Rosa na payagan nang makapasok ang mga pulis at militar sa mga paaralan. 

Paniwala kasi nina Dela Rosa, sa mga state university kumukuha ng recruit ang mga miyembro ng New People's Army gamit ang mga legal na grupo. 

Bumuwelta rin ang propesor na si Josephine Dionisio sa tila "panggigipit" sa mga gurong nagtuturo sa pagiging kritikal ng estudyante. 

"Kami ay inaakusahan ng panloloko at paglilinlang ng mga estudyante dahil tinuturuan namin sila mag-isip para sa sarili at para sa bayan at inaakusahan kami ng panlilinlang sa hindi pagtupad sa aming tungkulin," ani Dionisio. 

Sumama rin sa walkout ang mga high school at college student ng UP Cebu. 

Kinatok pa ng ilang estudyante ang bawat classroom para hikayatin ang mga ibang estudyante na sumama sa mga protesta. 

Nakiisa rin ang ilang estudyante ng UP Mindanao. 

Sa group discussion naman idinaan ng ilang estudyante ng UP Baguio ang kanilang pakikiisa sa mga protesta. 

Bandang hapon, itinuloy ng mga estudyante ng UP Diliman ang protesta sa Mendiola at nagmartsa papuntang Liwasang Bonifacio. 

Matapos ang maiksing protesta, isa-isa na rin nilang nilisan ang kanilang hanay.  -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.