NKTI nanawagan ng blood donation para sa leptospirosis patients

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 07:40 PM | Updated as of Aug 21 2019 05:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang pamunuan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) para sa mga puwedeng mag-donate ng dugo para sa mga pasyente ng leptospirosis. 

"We really have a callout to all our blood donors, please come to NKTI. Kahit ano ang blood type, puwede, just come to our blood bank," ani NKTI Deputy Executive Director Romina Danguilan.

Binuksan ng ospital ang gymnasiun nito para gawing ward bunsod ng pagdami noong weekend ng mga pasyenteng may leptospirosis.

Ilang higaan pa ang inilatag ngayong Martes bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng leptospirosis patients lalo at sa mga susunod na linggo o buwan ay muling mararamdaman ang pag-ulan at pagbaha sa ilang mga lugar. 

Karamihan sa mga pasyenteng isinugod sa NKTI ay mga lalaki at nagtatrabaho bilang construction worker o tsuper.

"High risk sila dahil nga kapag may baha, sila 'yong lumulusong sa baha. Kaya kailangan, importante rito, prophylaxis," ani Health Secretary Francisco Duque III.

Ang tinutukoy ng kalihim na prophylaxis ay gamot na iniinom tuwing nae-expose sa baha.

Ayon kay Danguilan, mali ang akala ng ilan na porke lumusong sa baha nang walang sugat ay puwedeng hindi na uminom ng gamot kontra leptospirosis.

"Kapag may exposure tayo sa baha, naglakad tayo sa baha or nakainom tayo ng tubig-baha, or tumalsik iyong baha sa ating mga mata then high-risk na po tayo," ani Danguilan. 

"Kahit walang sugat, kailangan na po 'yong prophylaxis," dagdag niya.

Ang leptospirosis ay impeksiyong sanhi ng bakteryang nagmumula sa ihi ng hayop gaya ng daga. Kadalasan itong nakukuha sa tubig-baha na nahahaluan ng ihi ng daga. 

Karaniwang inaatake ng bakterya ang bato, atay, at baga ng tao. 

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.