Naaresto noon sa 'illegal recruitment' muling nahuli

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Huli sa entrapment noong Martes ang isang babae na dati na ring naaresto sa kaparehong kaso ng illegal recruitment.

Nahuli ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Human Trafficking Division si Carissa Arqueda at Catherine Felix dahil sa umano ay pag-aalok sa mga aplikante ng trabaho sa Canada kahit walang lisensiya.

Naaresto noong Pebrero si Arqueda ng Manila police matapos umanong takbuhan ang isang aplikante para maging manggagawa sa Canada. 

Pero ayon kay Arqueda, travel agency ang kaniyang negosyo.

Pinasinungalingan si Arqueda ng biktimang si "Belen," na nagbigay ng P150,000 kay Arqueda bilang processing fee para sa trabahong caregiver sa Vancouver na ipinangako ng suspek.

Nakulong sina Arqueda at Felix sa kasong estafa at illegal recruitment.

Sa hiwalay na operasyon, inaresto ng NBI ang 9 Pilipino, isang Egyptian, at isang Sudanese dahil sa pagre-recruit ng mga aplikante papuntang Saudi Arabia kahit wala rin silang lisensiya mula sa Philippine Overseas Employment Administration. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.