Batang may sakit sa Davao, isa sa natulungan ni Gina Lopez

Vina Araneta-Pilapil, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 12:24 PM

Laking pasalamat ni Aljon Cerdiña sa tulong na naibigay ni Gina Lopez at Bantay Bata hindi lamang sa kaniya kung 'di maging sa kaniyang mga kapatid. Vina Araneta-Pilapil

Isa sa mga nagdadalamhati sa pagkamatay ni ABS-CBN Foundation Chair Gina Lopez ang 19-anyos na si Aljon Cerdiña sa Davao City.

Ayon kay Cerdiña, malaki ang naitulong sa kaniya ni Lopez dahil nasagip siya ng Bantay Bata 163 at tatlo pang kapatid matapos mapabayaan ng kanilang mga magulang noong 2001.

Mahigit 8 taon siyang inaruga sa Children’s Village sa Bangkal, Davao City at Hagonoy, Bulacan.

At noong 2009, matapos nilang magkita ni Lopez sa Children’s Home sa Bulacan, inimbitahan siya sa bahay nito.

Sabi ni Aljon, 3 beses siyang nakapunta sa bahay ni Lopez.

“Sobrang saya po. Kasi maraming bata nakapunta sa bahay niya. Pinaupo po ako sa sala at binigyan ng merienda. Tapos masaya siya nung nakita niya ako, sabi niya ‘O, Aljon ano gusto mo gawin? Gusto mo maligo sa pool?’ Tapos ayun binuhat niya ako at naligo kami dalawa sa swimming pool. Tapos kumain kami ng tanghalian. Ano gusto mo ulam, sabihin mo lahat, ‘wag kang mahiya,” sabi ni Cerdiña.

Tinulungan rin siya ni Lopez na makauwi sa Davao mula Maynila.

“Malaki po ang tulong ni Ma’am Gina sa akin. Pag-uwi ko po ng Davao tinanong niya ako ano gusto ko, sabi ko PSP. Binigyan niya ako PSP at P12,000,” dagdag niya.

May sakit na juvenile rheumatoid arthritis si Cerdiña.

Nagpapasalamat rin ang ina ni Cerdiña na si Dina sa malasakit ni Lopez sa kaniyang mga anak.

Ang isa niyang anak nakatapos na ng pag-aaral sa tulong ng Bantay Bata, habang ang isa pa ay scholar naman ngayon ng Bantay Bata sa Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.