Daan-daang pasahero sa NAIA, stranded pa rin

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2018 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Apat na araw makalipas ang pagsadsad ng isang eroplano sa runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), hindi pa rin matiyak ng mga airline kung kailan maibabalik sa normal ang iskedyul ng mga flight matapos maantala at makansela, dahilan para manatiling stranded sa paliparan ang maraming pasahero. 

Bagaman naialias na nitong Sabado sa 06/24 runway ng NAIA ang eroplano ng Xiamen Airlines na sumadsad noong Huwebes, naramdaman pa rin nitong Lunes ang epekto ng insidente.

May kanselado pa rin kasing flights ang AirAsia at Cebu Pacific habang may naiusog na flights ang Philippine Airlines.

Sa pagharap ng mga kinatawan ng ilang airline sa press conference nitong Lunes, sinabi nilang naghahanap pa rin sila ng solusyon para mailipad ang mga apektadong pasahero.

"May consequential din po na cancellation tonight for a flight to Los Angeles, which we have already been notifying passengers on," sabi ni Jose Perez de Tagle ng Philippine Airlines.

"Due to limitation, 'yong cabin crew, we have to reposition the aircraft, may limitation din 'yong number ng movements. So as much as possible, ayaw naming mag-cancel, 'no?" sabi naman ni JR Mantaring ng Cebu Pacific.

Patuloy naman daw ang kanilang pagbigay ng mga flight advisory sa mga pasahero subalit hindi rin umano maiwasang hindi ito matanggap ng lahat.

"We received feedback that there is not enough information flow," ani De Tagle.

Pero ayon sa Manila International Airport Authority (MIAA), wala na dapat epekto ang NAIA runway closure ngayong Lunes, lalo na ang naging congestion o pagsikip sa flight schedule noong nagdaang weekend.

Watch more in iWant or TFC.tv

MARAMING PASAHERO, APEKTADO PA RIN

Isa sa mga apektado sa insidente ang exchange student na si Jamaica Tamba, na apat na araw nang stranded sa NAIA at ilang ulit nang ipina-reschedule ang flight niya papuntang Canada.

Nangangamba tuloy siyang hindi na maabutan ang orientation at pasukan sa paaralan sa Canada.

"I hope naman po na matuloy na 'yong flight... because I'm following a strict schedule. Not only me but also my relatives who are waiting for me to arrive. Definitely their schedule will also be affected," ani Tamba.

Watch more in iWant or TFC.tv

May mga overseas Filipino worker (OFW) din sa paliparan na nangangambang mawalan ng trabaho, lalo at hindi pa sila nakababalik sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

"Paano 'pag nawalan kami ng trabaho? Wala namang puso 'yong kompanya kasi puwede naman kaming ma-replace anytime," ani Marites Viado, OFW sa Canada.

Hinikayat naman ang mga OFW, lalo iyong mga mapapaso na ang visa, na idulog ang kanilang mga problema sa mga booth ng Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Overseas Employment Administration sa paliparan.

Ayon kay OWWA deputy administrator Arnel Ignacio, maaari rin silang makipag-usap sa mga employer.

"Napakadali namang unawain, hindi naman kasalanan ito ng mga OFW," ani Ignacio.

"Kung affected sila, mas affected ang mga Filipino dito," dagdag ni Ignacio.

Sa Davao International Airport, delayed din ang ilang flights papuntang Maynila at Cebu.

IMBESTIGASYON

Dahil tuloy-tuloy pa ang imbestigasyon, hindi pa masabi ng mga awtoridad kung ano at magkano ang ipapataw na multa sa Xiamen Airlines.

Hindi na humarap sa press conference nitong Lunes ang kinatawan ng Xiamen Airlines.

Base sa isinagawang on-site investigation, ang pilot in command ay nasa pangalawang approach na para sa landing.

Lumapag sa kaliwang main gear ang Xiamen Airlines sa kaliwang bahagi ng runway edge line hanggang sa lumagpas ito sa konkretong pavement.

Marami ring nasagasaang runway lights.

Humiwalay na rin ang gulong sa nose landing gear.

Sa isang pahayag, humingi ng tawad ang Xiamen Airlines at nangakong makikipagtulungan sa imbestigasyon.

Nahirapan daw ang eroplano sa paglapag dahil sa matinding pag-ulan noong mga oras na iyon.

Namigay naman ng mga pagkain at inumin ang mga tauhan ng Xiamen Airlines sa mga apektadong pasahero sa NAIA Terminal 1.

Hindi pa pinaalis sa bansa ang dalawang piloto ng sumadsad na eroplano.

Nakatakda ring magsagawa ng imbestigasyon ang Senado at Kamara ukol sa insidente.

-- Ulat nina Jacque Manabat, Raphael Bosano, at Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.