Guanzon itinangging humingi ng tulong, pera kay Cardema

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 07:48 PM | Updated as of Aug 19 2019 10:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinasinungalingan ngayong Lunes ng opisyal ng Commission on Elections (Comelec) ang bintang na paghingi ng pera at pabor kapalit ng accreditation ng isang party-list group. 

Idiniin ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon na hindi siya humingi ng tulong at pera sa dating opisyal ng National Youth Commission na si Ronald Cardema para sa accreditation ng Duterte Youth party-list.

"He's (Cardema) saying he allegedly had text messages with this woman. He's naming her as my bagwoman. If you gave money to that woman, it never reached me. If you were duped why are you blaming me," sabi ni Guanzon sa panayam ng ABS-CBN News Channel.

"This Cardema is a liar and a name-dropper," anang opisyal ng poll body.

Binitiwan ni Guanzon ang mga pahayag matapos sabihin ni Cardema na balak nitong kasuhan ng pangingikil at sampahan ng impeachment complaint si Guanzon.

Inakusahan ni Cardema si Guanzon na nanghihingi ng tulong at pera sa kaniya sa pamamagitan ng isang congresswoman na tinanggihan niyang pangalanan.

Nagpatulong daw si Guanzon kay Cardema para sa pagtatalaga ng regional trial court judge sa Iloilo at regional director ng Department of Public Works and Highways sa Negros.

Pero itinanggi ni Guanzon ang paratang ni Cardema at sinabing: "Why would I want him to have somebody appointed? What is he, the president of Philippines? He's not powerful, he's just a name-dropper."

Pinabulaanan din ng Comelec official ang akusasyon ng panginigkil at hinamon si Cardema na isapubliko ang kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN).

"I dare him to show me that he has P2 million in cash in the bank," ani Guanzon.

"I think I have more money than him," dagdag niya.

Dumistansiya naman ang Malacañang sa bangayan nina Cardema at Guanzon.

Nirerespeto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang "independence" ng Comelec, sabi ngayong Lunes ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

"The President respects the independence of any constitutional body so the President has not interfered on any function of the commission as well as other constitutional body," ani Panelo.

Magugunitang kinansela nitong buwan ng Comelec First Division ang nominasyon ni Ronald Cardema bilang first nominee ng Duterte Youth party-list. 

Hindi raw kasi kuwalipikado ang 34 anyos na si Cardema para maging kinatawan ng grupo sa Kamara.

Sa ilalim ng batas, dapat ay nasa edad 25 hanggang 30 anyos ang mga nominado na kakatawan sa youth sector.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.