Estudyanteng nag-text ng 'bomb joke' sa paaralan, sumuko

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 08:51 PM

Sumuko sa mga awtoridad ang isang Grade 12 student na nag-text na may bomba umano sa kanilang paaralan.

Sinuspinde ang klase sa Dingras National High School- Poblacion Campus sa bayan ng Dingras, Ilocos Norte noong Biyernes matapos makatanggap ng text message ang isang guro tungkol sa umano'y bombang sasabog sa paaralan.

Ayon kay Police Corporal Jhoanna Emily Deus, umamin ang estudyanteng si alyas Jun sa kaniyang kaklase na siya ang nag-text ng nasabing mensahe.

Kinalaunan ay sumuko si alyas Jun at humingi ng tawad sa kaniyang guro.

Hindi umano inakala ng paaralan na magagawa ito ng kanilang estudyante.

Pabor si Dingras Mayor Jeffrey Saguid na kasuhan ang estudyante para hindi na maulit ang insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang estudyante.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.