2 opisyal ng National Museum, arestado sa umano'y pangingikil

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 09:21 PM | Updated as of Aug 20 2019 12:38 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang dalawang opisyal ng National Museum sa isinagawang entrapment operation ng Presidential Anti-Corruption Commission at National Bureau of Investigation sa loob ng isang mall sa Pasay City Lunes.

Kinilala ang mga naaresto na sina Ernesto B. Toribio JR., head ng National Museum Treasure Hunting Section at acting director ng Cultural Properties Division na si General Angelo P. Bautista.

Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ang komisyon ng reklamo mula sa ilang treasure hunters sa ginagawang pangingikil umano ng mga suspek kapalit ng pag-iisyu ng treasure hunting permit.

P120,000 ang hiningi umano ng mga suspek sa isang kliyente na mas mataas sa P3,000 lamang na dapat na bayad sa aplikasyon.

Nang kumagat sa patibong, agad inaresto ang dalawa.

Ayon kay Belgica, istilo ng mga suspek na patagalin ang pag-iisyu ng permit upang mapilitan ang mga nag-aapply na magbigay ng padulas.

Patungo na ngayon sa tanggapan ng NBI ang dalawang naarestong opisyal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.