Kalyeng madidilim, mga pundidong ilaw, inireklamo sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 05:25 PM | Updated as of Aug 19 2017 08:56 PM

Nangangamba sa kanilang seguridad ang mga residente ng isang barangay sa Valenzuela City tuwing sumasapit ang gabi dahil sa madidilim na kalye buhat ng mga sirang poste ng ilaw. 

Isinumbong ng mga residente ng Barangay General T. De Leon sa Meralco at lokal na pamahalaan ang kanilang problema noong Hulyo.

Natatakot umano sila na may mangyaring krimen sa lugar dahil hindi na nila halos makita ang mga daan. 
 
May dumating naman na kontraktor galing Meralco at sinabi ng mga residente ang problema.

Pero ayon sa kagawad ng barangay na si Alex Angeles, hindi agad naaksiyunan ang kanilang sumbong.

Paliwanag naman ng Meralco, inaaksiyunan naman sa loob ng ilang araw ang reklamo basta kumpleto ang detalye lalo na ang lokasyon ng sirang poste.

Natuwa naman ang mga residente nang gumana na muli ang mga ilaw ng poste nitong Huwebes, Agosto 17.

Paalala ng Meralco, agad ipaalam sa kanila kapag may pundidong poste para maaksiyunan agad. 

Maaaring itong ipagbigay-alam sa kanila sa pamamagitan ng hotline na 16211 o sa kanilang social media accounts.

- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.