Coping beam ng Skyway bumagsak; bahagi ng NLEX isinara

Kevin Manalo at Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 08:21 AM | Updated as of Aug 18 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) -- Bumagsak ngayong madaling araw ng Linggo ang isang 58 toneladang coping beam sa ginagawang Skyway sa bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City.

Pasado alas-2 ng madaling araw bumagsak ang beam sa bahagi ng NLEX na papasok ng Balintawak sa EDSA.

Habang ini-a-angat ng crane ang coping beam para maipuwesto sa ibabaw ng column o poste, bigla umanong naputol ang lifting lug o ang bakal na nakabaon sa coping beam.

"Noong maiangat nagkaroon ng problema doon sa lifting log pero 'yon ay nasa design naman... Wala namang may gusto, bumigay 'yong lifting log at 'yan ang nangyari," ani Reggie Garcia, rigging engineer mula sa contractor na EEI Corporation.

Iniimbestigahan pa sa ngayon kung bakit bumigay ang lifting log. Nasa maayos naman daw na kondisyon ang crane at mga hook nito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon kay Dante Desembrana, project director ng Skyway project 3, bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure, tinitiyak naman nilang walang tao o sasakyang dumadaan sa lugar kapag nagsasagawa ng pagbubuhat ng mga gamit sa konstruksiyon.

Isang lane ang nasakop ng bumagsak na beam — na may habang 20 metro at lapad na 2 metro — kaya bahagyang bumigat ang trapiko sa NLEX noong umaga. Naigilid ang beam bago mag-tanghali.

Walang nasaktan sa insidente.

Nangako ang contractor ng proyekto na babaguhin ang proseso ng paglalagay ng beam para matiyak na hindi na maulit ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.