ALAMIN: Mga karapatan ng pasahero kapag nakansela ang flight

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasunod ng muling pagbubukas ng runway ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay inireklamo ng mga pasahero ng mahigit 70 apektadong flights ang mahahabang linya sa pagpapa-refund at pagpapa-rebook.

Ito ay matapos sumadsad ang eroplano ng Xiamen Air sa runway ng NAIA at nagdulot ng runway closure na nakaapekto sa libo-libong pasahero.

Isa sa mga naperwisyo ay ang overseas Filipino worker (OFW) na si Laura Villaceran na higit 30 oras nag-intay bago inanunsiyo ng kaniyang airline na kanselado ang kaniyang flight papuntang Qatar. 

Dahil dito, binigyan siya at ang ibang pasahero ng airline ng P3,000 na panggastos dahil fully-booked na ang mga hotel. 

MGA KARAPATAN

  • Ayon kasi sa Air Passenger Bill of Rights, may karapatan ang mga pasahero sa mga sumusunod: 
  • May karapatan ang pasahero sa tamang impormasyon
  • Dapat may nag-aabiso kung ano na ang status ng kanilang flight
  • Ang karapatang makuha ang kabuuang halaga ng binayarang serbisyo o makapag-refund

• Karapatan sa kabayaran o compensation tulad ng accommodation, pagkain, transportasyon, at first aid kung: (1) masama ang panahon at (2) ang carrier ang dahilan sa pag-delay o pagkansela ng flight

Hindi rin dapat naglalabas ng pera ang mga pasahero sa pagre-rebook at pag-refund kapag nakansela ang flight nila, lalo na kung bunga ito ng masamang panahon. 

Dapat din silang mabigyan ng libreng tawag, text, at pang-email para maabisuhan ang kanilang kamag-anak sa kalagayan ng flight nila. 

May karapatan ding magpaendorso ang pasahero sa ibang airline na kaparehas ang ruta sa nakanselang flight. 

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.