4 lalaking sangkot sa 'rent-tangay,' arestado sa La Union

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2018 01:10 AM

Arestado ang apat na lalaking sangkot umano sa "rent-tangay modus" matapos matunton ng isang biktima sa Rosario, La Union.

Mula sa Maynila ang mga lalaki at nahuling sakay ng isang van na isasanla sana sa Baguio City.

Ayon sa mga pulis, dalawa sa mga ito, na kinilalang sina Rolante Cortes Vallejos alias Jun Fernandez at Albert Jipolito, ang dati nang may warrant sa kasong carnapping at estafa.

"Dun sa modus operandi ng mga suspek, ang dami nilang IDs na pinapakita with the same person pero iba't-iba yung ginagamit nilang pangalan doon," ani Insp. Valentin Ramirez, deputy commander ng Rosario Municipal Police.

Ginagamit raw nila ang mga ito sa pagrenta ng mga sasakyan.

May nakita ring mga bala ng baril sa loob ng sasakyan, granada, at marijuana. Isinailalim na sa drug test ang driver ng van na nagtatrabaho raw bilang isang aktor.

Habang ang isa pang naaresto, nadamay lang raw sa operasyon ng tatlo.

"Dapat ang plano mag-oovernight lang sa Baguio for kain, magpapahinga lang tapos uuwi lang... Wala naman akong idea talaga," ani Edwin Trinidad.

Pitong biktima na ang naghain ng pormal na reklamo sa mga pulis na mula pa sa Bataan, Sta Cruz, Manila, Cavite, Malabon, at Pasig City.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong carnapping. Posible rin daw silang maharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Payo ng mga awtoridad, ipakumpirma sa ahensyang pinagmulan ng ID kung totoong miyembro ang isang indibidwal bago magparenta ng sasakyan.

Puwede ring makasuhan ang mga bibili ng nakaw na sasakyan sa ilalim ng Anti-Fencing Law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.