P800K na halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa Iloilo

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 03:23 AM

ILOILO - Aabot sa P800,000 na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam mula sa dalawang suspek sa bayan ng Pavia, Iloilo matapos ang isang buy-bust operation nitong Biyernes.

Nahuli sa loob ng isang bahay ang mga hinihinalang tulak matapos makompirma ng pulisya na nagbebenta ang mga ito ng shabu, na nakalagay sa 17 na pirasong plastic sachet.

Ayon sa mga awtoridad, nanggagaling pa sa Alabang, Muntinlupa ang suplay na ibinebenta ng magkaibigang suspek. May courier umano na nagdadala ng droga at sumasakay ito ng RORO papuntang Iloilo.

Umamin ang isa sa mga suspek sa kanilang ilegal na gawain. Aniya, may "boss" siya na nakabase sa Alabang at ito ang nagpapadala ng suplay sa kanya. 

Sinasabihan umano siya kung saan ide-deliver ang droga.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag ng Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.