ALAMIN: Saklaw ng 'Gender Fair Ordinance' ng Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2019 03:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


MAYNILA — Nitong linggo ay naging laman ng balita ang diskriminasyong naranasan ng transgender woman na si Gretchen Custodio Diez sa kamay ng isang empleyado ng Farmers Plaza dahil sa paggamit niya ng banyong pambabae.

Hiniya at pansamantala pang idinetene si Diez matapos siyang ireklamo ng unjust vexation dahil sa pag-video niya sa insidente. 

Dahil dito ay kinasuhan ni Diez ang pamunuan ng mall ng paglabag sa Gender Fair Ordinance ng Quezon City.

"Dito, ipinagbabawal sa lungsod... na pag-initan o bawal na ituring na iba ang mga tao na iba ang kanilang sexual orientation at gender identity and expression," paliwanag ng abogadong si Noel Del Prado sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Bawal din sa ordinansa ang diskriminasyon ng LGBTQIA+ members sa trabaho. 

"Hindi siya puwede tanggihan sa pag-promote o etsapuwera sa mga serbisyo na ibinibigay [sa ibang empleyado]," ani Del Prado. 

Inaatasan din ang mga establisimyento sa lungsod na magkaroon ng "gender-neutral" na banyo para mas ligtas at komportable ang mga miyembro ng LGBTQIA+ community.

Ayon sa ordinansa, kulong na 2 buwan hanggang 1 taon at multang P1,000 hanggang P5,000 ang parusa sa sino mang lalabag dito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.