Pagpapatupad ng 'driver-only' car ban sa EDSA sa Agosto 23, sinuspende

ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2018 01:57 PM | Updated as of Aug 17 2018 08:49 PM

 Dry-run na walang huli o multa, tuloy pa rin

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinuspende ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes ang nakatakdang implementasyon sa susunod na linggo ng high occupancy vehicle (HOV) traffic scheme sa EDSA.

Kasalukuyan pa lang na nasa dry-run stage ang panukala at sinasabihan lang ang mga lumalabag at hindi pinagmumulta. Nakatakda sana ang full implementation nito sa Agosto 23. 

Sa ilalim ng HOV scheme, hindi puwedeng bumaybay sa EDSA ang kotse na driver lang ang sakay tuwing rush hour, Lunes hanggang Biyernes. 

Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, hindi muna ito ipatutupad hangga't hindi pa nagpupulong ang Metro Manila Council (MMC). 

Pero paglilinaw ni Garcia, tuloy pa rin ang dry-run na magtatapos sana bago ang full implementation sa susunod na linggo.

"Tuloy lang po ang dry-run. Ang atin pong full enforcement on August 23 will be suspended until mag-convene ang Metro Manila Council," aniya. 

Giit pa niya, walang kapangyarihan ang MMDA na ipatigil ito dahil mga alkalde ng Maynila ang dapat magdesisyon. 

"Ang MMDA po ay walang power na ihinto dahil ito ay MMC resolution na binubuo ng mayors. Ang makakapagpatigil at makakapagbago nito ay MMC rin, hindi MMDA."

Inulan ng reklamo ang HOV scheme dahil hindi umano ito nakatulong para mapabilis ang biyahe sa kahabaan ng EDSA at lalo pang napasikip ang mga kalye sa paligid nito.

Ipinanukala rin ng mga senador na ibasura ang ganitong sistema.

I-refresh ang pahinang ito para sa karagdagang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.