P18-M halaga ng droga nasabat sa Kalinga, Lanao del Sur

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2020 12:54 AM

MAYNILA - Nasabat ng mga awtoridad ang nasa P18 milyong halaga ng droga sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Kalinga at Lanao del Sur nitong linggo.

Biyernes ng hapon, inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM ang 4 na lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Bago Ingud, bayan ng Malabang, Lanao del Sur.

Narekober sa mga suspek ang 2 kilo na pinaghihinalaang shabu na may halagang P13 milyon. Nakasilid ito sa berdeng packaging na mukhang Chinese tea product.

Nasagip din ng mga operatiba ang isang menor de edad na itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development.

Samantala, timbog ang 2 magsasaka at 1 tricycle driver sa buy-bust operation sa Barangay Bulanao, Tabuk City, Kalinga nitong Sabado.

Nakuha sa mga suspek ang 41 kilo ng umano'y marijuana na may street value na P5 milyon.

Mahaharap sila sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.