Mga Pinoy sa HK nagtutulungan para makaiwas sa protesta

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 08:20 PM | Updated as of Aug 16 2019 10:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakakakuha ng suporta para sa isa't isa ang mga nagbabayanihang Pinoy sa Hong Kong sa gitna ng kabi-kabilang protesta sa lugar. 

Gamit ang social media, pinapakiramdaman ng ilang overseas Filipino worker ang sitwasyon sa ilang lugar dahil sa mga protesta. Ibinabahagi nila ang impormasyon sa mga kababayan para matulungan ang isa't isa na makaiwas kung may pagtitipon. 

Sa messaging app nakikipagbalitaan sa mga kababayan ang ilang Pinoy gaya ni Edward "Ka Doy" Bareto. 

Kani-kaniyang pagpapadala naman ng mga retrato ang mga drayber gaya ni Marvin Reyes para maipaalam ang lagay ng trapiko sa mga lugar. 

"'Yung mga kapwa namin driver nagkaroon din kami ng mga video, ng mga picture para hindi na kami makakadaan doon sa mga traffic na situation," ani Reyes. 

Samantala, nagbabadya naman ngayong weekend ang mga protesta sa ilang lugar, gaya na lang sa Central Station, na tinatambayan ng mga OFW gaya ni Maritess Fernandez. 

Doon aniya nagpapahinga ang mga Pinoy kapag weekend. 

Kabilang din sa lugar ng protesta ang MTR o subway ng Hongkong na madalas na sinasakyan ng mga Pilipino - dahilan para magpasya si Fernandez na huwag nang lumabas sa weekend. 

Ipinapayo ni Germinia Aguilar-Usudan, Deputy Philippine Consul General sa Hong Kong, na umiwas sa mga lugar na pagdadausan ng rally. 

Kung maaari aniya, dahan-dahang lumayo at pumunta sa ligtas na lugar kung hindi talaga maiwasang pumirmi roon. 

Patuloy naman aniya ang koordinasyon ng Philippine Consulate sa Hong Kong at maaaring tumawag sa numerong (+852) 9155 4023 ang mga mangangailangan ng tulong. 

Nag-ugat ang mga protesta sa pagtutol sa isang panukalang batas sa ekstradisyon pero ngayo'y naging mga panawagan na para sa demokrasya sa Hong Kong, na sakop ng China. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.