'Bayanihan sa Lansangan', ipinatupad sa QC

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2019 10:54 AM


MAYNILA - Inilunsad ng Quezon City Task Force on Transport and Traffic Management ang Bayanihan sa Lansangan Biyernes ng umaga.

Layon nito na magdagdag ng mga bus para sa mga commuter sa Commonwealth.

Kuwento ng traffic manager ng QC na si Ariel Inton, hirap makasakay ang mga commuter sa Commonwealth dahil sa Fairview pa lang punuan na ang mga bus.

Dahil dito, magdadagdag sila ng mga bus na magsisimula ang biyahe mula sa Wilcon Depot sa Doña Carmen.

Biyahe ng mga bus na ito ang pa Ortigas-Makati at pareho ang magiging singil sa pamasahe.

Bukod dito, may Angkas riders din na libreng magsasakay ng mga pasahero na malapit lang ang pupuntahan. Marami umano sa mga pasahero sa Commonwealth ay hanggang Philcoa o City Hall lang ang biyahe.

Nabatid na testing stage pa lang ito sa ngayon at walong bus pa lang meron. Umaasa ang Traffic Management Task Force ng QC na madadagdagan pa ang mga bus sa mga susunod na araw.

Nakikiusap naman si Inton sa Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na bigyan ng tamang prangkisa para ma institutionalize ang service na ito.