2 sugatan sa buy-bust sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2018 09:40 PM

Sugatan ang dalawang target ng isang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes ng hapon.

Ginagamot sa ospital sina alyas Louie at kasamahan nitong si alyas Ricky matapos magtamo ng mga tama ng bala sa katawan. 

Ayon sa imbestigasyon ng Manila Police District, matapos magkaabutan ng buy-bust money at shabu ay agad na pumasok sa eskinita ang mga operatiba ng MPD Station 3 para arestuhin ang mga suspek. 

Ngunit biglang nagpaputok umano si alyas Louie laban kay Police Officer 1 Richard de Guzman, at nang hindi tamaan ay dito na gumanti ang pulis at nabaril ang target.

Nagpaputok din umano ang kasamahan ng suspek na si alyas Ricky kaya’t binaril din ito ng mga pulis. 

Nakuha sa mga suspek ang dalawang baril at ilang sachet ng hinihinalang shabu. 

--Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.