'Supply ng manok, magkukulang pagsapit ng 'ber' months'

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 06:39 PM

Dumami pa ang bilang ng mga manok na papatayin kasunod ng idineklarang bird flu outbreak sa Pampanga.

Mula 200,000, naging 600,000 na manok at itik na ang kailangang i-cull o patayin ng pamahalaan.

Pero hindi naman lahat ito, tinamaan ng sakit. 

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol, bukod sa poultry farms na nasa loob ng one-kilometer radius, nagpasya na rin ang ibang poultry farmer na ipapatay na lang ang kanilang mga alaga. 

Dahil dito magpapadala na ng 300 sundalo ang Philippine Army sa San Luis, Pampanga para tumulong sa magdamagang culling ng mga manok at itik doon. Sa tantiya ng DA, aabot pa ng tatlong araw bago maubos ang lahat ng kailangang pataying ibon. 

Patuloy pa ring ipinagbabawal ang pagpasok ng manok mula Luzon papuntang Visayas at Mindanao. Pero nitong Miyerkoles, Agosto 16, nakumpiska sa pantalan ng Cagayan de Oro ang libo-libong kilo ng manok mula sa Luzon.

Ayon kay Piñol, inaasahan na nila na magkakaroon ng shortage o magkukulang ang supply ng manok lalo na pagsapit ng "ber" months.

Kaya naman nakikiusap ang DA sa poultry farmers sa Visayas at Mindanao na paigtingin ang kanilang supply ng chicken meat.

Pero ayon sa United Broiler Raiser Association, ngayon pa lang ramdam na sa iba-ibang bahagi ng bansa ang pag-iwas ng publiko sa mga manok kahit pa hindi naman apektado ng virus ang nasa merkado. 

Natutuwa man sila sa agarang aksiyon ng pamahalaan para mapigilan ang lalong paglaganap ng bird flu virus pati na ang ayudang handang ibigay nito, nanawagan pa rin ang asosasyon ng mas malaking tulong para sa poultry farmers na mawawalan ng mga alaga.

Naiintindihan naman ni Piñol ang hirap ng mga apektadong poultry farmer ngayon, pero nanindigan siyang kinailangan ang malawakang pagpatay ng mga manok alang-alang sa kaligtasan ng publiko at ng poultry industry. 

Samantala, nagnegatibo na sa bird flu ang dalawang poultry farmers na binantayan ng Department of Health matapos magkaroon ng sintomas ng trangkaso.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.