Mag-asawa, timbog sa 'rent-sangla' at tubos modus

ABS-CBN News

Posted at Aug 16 2017 09:30 PM | Updated as of Aug 16 2017 11:58 PM

Binabantayan ng Highway Patrol Group (HPG) ang bagong grupo ng rent-sangla modus na bukod sa ninanakaw ang mga nirentahang sasakyan, pinatutubos pa umano nila ito sa may-ari.

Nahuli ang mag-asawang sina Edward at Rizza Dayrit sa isang entrapment operation sa Pampanga ng HPG Region 3.

Bago mahuli, nagtungo ang ilang complainant sa HPG para ireklamo ang dalawa matapos umanong rentahan at di na ibalik ang walong sasakyan. 
     
Ayon sa biktimang si Robin Clark, nirentahan ng grupo nina Dayrit ang mga sasakyan nila sa halagang P2,500 hanggang P4,000 kada araw pero hindi na naibalik ang mga kotse makalipas ang ilang araw.
    
Pinatutubos pa umano ito sa kanila nang subukan nilang bawiin ang mga sasakyan.

Masama ang loob ni Clark dahil hindi ito ang unang beses na nabiktima siya ng rent-sangla modus.

Tinangay din ang apat na sasakyan nila noong Enero ng nahuling sinasabing leader ng rent-sangla group na si Rafaela Anunciacion.
    
Malaking perwisyo din ang nararanasan ni Alberto Goco matapos matangay din nina Dayrit ang kotse niya na inutang lang sa bangko.

Pakiusap naman ng HPG, agad na ipagbigay-alam sa kanila ang ganitong modus ng rent-sangla.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mag-asawang Dayrit na nakapiit na sa Manila City Jail.

Patuloy naman ang follow-up na ginagawa ng HPG para masawata ang bagong rent-sangla modus. 

Nasa 300 na mga sasakyan na nabawi ang nasa tanggapan ng HPG sa Camp Crame.
    
Pero paniwala ng HPG, may mga galamay pa rin ang grupo na binabago lang ang anyo ng rent-sangla scheme.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.