1 rebelde patay, 2 sundalo sugatan sa engkuwentro sa Negros Oriental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2020 12:15 PM

Nalagasan ng isang miyembro ang New People's Army sa sagupaan sa Barangay Sundayao sa Guihulngan City nitong Agosto 14, 2020. Larawan mula sa 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army


Isang miyembro ng New People's Army (NPA) ang namatay habang dalawang sundalo ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang sugatan sa naganap na sagupaan sa Guihulngan City sa Negros Oriental, Biyernes ng madaling araw.

Ayon kay 303rd Brigade Commander na si Col. Inocencio Pasaporte, nangyari ang engkuwentro matapos rumesponde ang tropa sa impormasyon hinggil sa presensya ng mga rebelde sa Barangay Sundayao.

Dinala na sa ospital sa Bacolod City ang sugatang mga sundalo.

Paniwala naman ng Army na marami ang sugatan sa hanay ng mga rebelde dahil sa mga dugo na nakita sa encounter site.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ilang mga baril na naiwan ng mga tumakas na rebelde.

Dagdag ni Pasaporte, madaling naka-responde ang tropa ng 62nd IB sa lugar dahil patuloy ang programa ng Task Force Ending Local Communist Armed Conflict na kasapi rin ng implementing agency ang Philipine Army.