Dengue ward ng Children's Hospital sa QC siksikan na

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Siksikan na ang mga pasyente sa National Children's Hospital sa Quezon City, lalo na iyong mga tinamaan ng dengue.

Ayon kay Dr. Lyra Lei Quinsaat, Medical Officer III sa ospital, sobra na talaga ang kanilang mga pasyente sa ward.

Labinglima hanggang 20 lang ang bed capacity ng ward pero umabot na ng 40 ang mga pasyente. Tatlumpu't tatlo sa mga ito ay naospital dahil sa dengue.

"Ine-explain namin sa kanila na since puno iyong ward, 3 o 4 sa isang bed. Kung may darating pang magpa-admit, puwede pang madagdagan," ani Quinsaat.

Sampung pasyente ng dengue ang ina-admit sa National Children's Hospital kada araw, ayon sa pamunuan ng ospital.

Humingi ng pag-unawa ang pamunuan ng ospital sa mga pasyente.

Ayon pa kay Quinsaat, hindi lang mga pasyente ang hirap sa sitwasyon kundi maging silang mga tauhan ng ospital.

Hindi na magawang maiunat ng ibang pasyente ng ospital ang kanilang mga katawan dahil may mga kahati sa kama. Minsan ay 2 o 3 ang naghahati sa iisang kama.

Tatlong ibang pasyente ang kasalo sa kama ng anak ni Ethel Allado.

Kapag oras ng tulugan, mas lalo umanong nagbabantay si Allado.

"'Yong paa niya hinahawakan ko na lang para hindi maistorbo 'yong batang isa dito," ani Allado.

"Kung gumalaw man 'yong anak ko, masalo ko sakaling mahulog siya. Kasi maliit lang 'yong kama," dagdag ni Allado.

Isang linggo na namang nasa ospital ang pamangkin ni Jelyn Tero dahil sa dengue.

"Mahirap, siyempre, hindi nakakahiga nang maayos," ani Tero.

Nagdeklara noong Agosto 6 ang Department of Health ng national dengue epidemic, 3 linggo matapos itaas ng ahensiya ang national dengue alert dahil sa pagtaas ng mga kaso ng sakit sa ilang lugar sa bansa.

Nasa 167,607 kaso ng dengue ang naitala ng DOH simula Enero hanggang Hulyo 27 ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.