Birthday treat: Tricycle driver nag-alok ng libreng sakay sa Puerto Princesa

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 05:36 PM

Laking pasalamat ni Norian Paulina Cautibar sa birthday treat ni Demetrio Mondilo na libreng sakay sa kaniyang ipinapasadang tricycle. Larawan mula kay Nori Yan

PUERTO PRINCESA CITY – Hinangaan ng mga netizen ang isang tricycle driver matapos na magbigay ng libreng sakay sa kaniyang mga pasahero bilang birthday treat sa sarili.

Napabilib at nagpasalamat si Norian Paulina Cautibar dahil hindi niya inaasahang makakalibre siya sa pamasahe sa tricycle. Nagulat daw siya nang sabihin ng driver na si Demetrio Mondilo na libre ang sakay dahil birthday niya.

"Hindi ko po nabasa (ang nakapaskil sa tricycle) kasi busy rin ako sa cellphone ko. Sabi niya, 'saan po kayo ma'am?' Sabi ko 'sa NC lang po kuya.', tapos sabi niya 'sige ma'am free ride po tayo ngayon kasi birthday ko.' Sabi ko, 'talaga po? Happy birthday po kuya!'. Ang bait ni kuya, birthday niya na tapos siya pa 'yung manlilibre,” kuwento ni Cautibar.

Kinunan niya ng litrato ang loob ng tricycle at ipinost niya sa Facebook ito. Tinawag naman ng ibang netizen na "good samaritan" ang driver.

“Siyempre po nakaka-overwhelm, nakakatuwa kasi kahit na ganun na lang ang work nila, nakukuha pa rin nilang mag-share ng blessing sa iba katulad namin. Kahit ganun lang kaliit na bagay, nakakatuwa. Di mo mai-expect. Saka first time ko rin talaga maka-encounter ng ganun. Sabi ko may mga ganito pa palang tao,” dagdag ni Cautibar.

Kuwento naman Mondillo, intensiyon lang naman niya ang magbahagi ng biyaya, una na ang biyaya ng buhay dahil nagdiwang siya ng ika-42 kaarawan.

Mahirap lang din daw sila pero sa awa ng Diyos ay nakakuha siya ng prangkisa noong nakaraang taon sa Puerto Princesa City government para legal na makapamasada ng tricycle na tanging kabuhayan niya. 

Dalawa na rin ang pinapasada niyang tricycle ngayon.

Bilang pasasalamat, ipinasyal na lang daw niya ang pamilya sa mall at nagpasya na mag-alok ng libreng sakay sa mga pasahero.

"Kahit mahirap kami, nakapundar din ako ng hanap-buhay ko kahit wala kaming sariling lupa at bahay. Kaya nagpapasalamat ako kay Lord na nagbunga rin 'yung pagsisikap naming mag-asawa,” sabi niya.

Hindi umano siya magdadalawang-isip na gawin itong muli dahil naniniwala siyang ang biyaya ay dapat na ibinabahagi.

"Next year, kung bibigyan pa po ng pagkakataon na malakas pa ang katawan natin, siguro (sa) birthday ko magpi-free ride uli ako, then ngayong December magpi-free ride uli ako,” dagdag niya.

Dahil dinanas niya noon ang hirap sa paglalakad ng malayo papuntang eskuwelahan, prayoridad niyang isakay ang mga estudyante.

“Tinataon ko kasi na may pasok ang mga bata, kasi nakasentro talaga 'yun sa mga estudyante,” saad niya.

Hinangaan rin siya ng kapwa driver. Naniniwala siya na mahalaga rin ang magkaroon ng maayos na pakikisama ng mga driver, sa mga pasahero at law enforcers, dahil sa may mga suki na rin siyang pasahero. At kapag mabuti kang driver, naniniwala rin siyang walang kalaban sa kalsada.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.