Angkop na banyo para sa LGBT tinalakay sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2019 07:57 PM | Updated as of Aug 15 2019 08:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakisawsaw na rin ang ilang senador sa usapin ukol sa diskriminasyong naranasan ng isang transgender woman na iginiit ang kaniyang karapatang gamitin ang banyong pambabae sa isang mall sa Cubao. 

Sabi ni Sen. Risa Hontiveros, ang naranasang pambabastos ni Gretchen Custodio Diez ay isang halimbawa kung bakit lubos na kailangang maipasa ang Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill. 

"Ipasa na natin ang SOGIE Equality Bill, para kay Gretchen at sa lahat ng Filipino lesbians, gays, bisexuals, transgenders, intersex, queers at asexuals (LGBTQIA+) na matagal nang nakaposas," ani Hontiveros sa isang talumpati. 

Naging kontrobersiyal ang karanasan ni Diez noong Martes matapos siyang hiyain ng empleyado ng Farmers Plaza sa Cubao dahil sa pagbabanyo nito sa ladies' toilet. Pansamantalang idinetene si Diez matapos siyang ireklamo ng unjust vexation dahil sa pag-video niya sa insidente. 

Giit ni Hontiveros, karapatan ni Diez at sino mang miyembro ng LGBTQIA+ community na magbanyo sa kung saan man nila nais bilang proteksiyon sa kanilang sarili.

Pero delikado umano ito, ayon sa 3 lalaking senador dahil maaari umanong magpanggap na babae ang mga manyakis na lalaki. 

"I see a little danger here... What if a straight male person who is voyeuristic, would enter a female restroom and do his intention," tanong ni Sen. Panfilo Lacson. 

"While kino-consider natin 'yung rights nu'ng LGBT, hindi lang LGBT ang tingnan natin. 'Yung straight din tingnan natin kung apektado sa ganu'ng batas. Dapat balance tayo," sabi naman ni Sen. Ronald dela Rosa.

"How about the sensitivities of women who are uncomfortable with transgenders using women's restrooms; or straight men donning women's clothes... Konting reality check naman," sabi naman ni Senate President Vicente Sotto III.

May kakaibang mungkahi naman si Sen. Cynthia Villar para iwas-gulo. 

"Dapat gumawa na lang ng additional toilet... Di ba may toilet tayo para sa mga PWD (persons with disability), baka puwedeng 'yun na ang ipagamit para wala nang gulo," sabi ni Villar. 

Sa Kamara naman, naghain na ng resolusyon ang Makabayan bloc at ang trans woman na mambabatas na si Bataan Rep. Geraldine Roman para imbestigahan ang nangyaring diskriminasyon laban kay Diez. 

—Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.