'Driver-only car ban' sa EDSA, pinatitigil ng mga senador

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 05:26 PM | Updated as of Aug 15 2018 08:07 PM

Umarangkada nitong Miyerkoles ang dry run ng ipinapanukalang traffic scheme na nagbabawal sa mga sasakyang iisa lang ang laman sa EDSA tuwing rush hour. Mark Demayo, ABS-CBN News

Hinimok ng liderato ng Senado nitong Miyerkoles ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatigil ang bagong traffic scheme na nagbabawal sa mga pribadong sasakyang driver lang ang laman sa EDSA tuwing rush hour.

Sinimulan nitong Miyerkoles ang dry run ng high-occupancy vehicle (HOV) scheme na ipinanukala ng Metro Manila Council (MMC) o mga alkalde sa Metro Manila at layong maibsan ang trapiko sa EDSA.

Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal ang mga driver-only na sasakyan mula North EDSA, Quezon City hanggang Magallanes sa Makati mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga, at mula alas-6 hanggang alas-9 ng gabi tuwing Lunes hanggang Biyernes. 

Pero sa ilalim ng Senate Resolution 845, sinabi ng mga senador na walang ginawang konsultasyon at pagdinig ang MMC hinggil sa mungkahi.

Kabilang sa mga may-akda ng resolusyon sina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Para kay Sotto, hindi sagot ang pagbabawal sa mga sasakyang iisa lang ang laman sa trapikong nararanasan sa EDSA, na isa sa mga pangunahing kalsada sa Kamaynilaan.

"Bago sila mag-isip ng kung ano-anong paraan, alisin muna nila 'yong mga illegally parked sa buong Metro Manila," sabi ni Sotto.

Ayon naman kay Drilon, maaaring makahikayat pa ng mga kolorum ang patakaran, gaya raw ng nangyari sa Indonesia na nagpatupad ng HOV pero kalaunan ay binawi rin.

"[It] could even worsen traffic congestion as it could encourage the proliferation of unauthorized 'for-hire' vehicles or colorum, as shown by the recently scrapped Indonesian model," ani Drilon sa isang pahayag.

Watch more in iWant or TFC.tv

DRY RUN

Para naman kay MMDA general manager Jojo Garcia, kontento sila sa dry run bagaman maaga pa para masabi kung ano ang epekto nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.