3 dayuhan, timbog sa pag-aalok ng 'bogus stocks'

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2018 04:15 PM | Updated as of Aug 15 2018 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nahuli nitong umaga ng Miyerkoles sa Muntinlupa City ang tatlong dayuhan na nanghihikayat sa kanilang mga biktima na mag-invest sa pekeng stocks.

Sa bisa ng search warrant, nilusob ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) Special Operations Unit ang isang bahay sa isang exclusive village sa Alabang, at hinuli ang Amerikanong si Richard Racioppi Jr. at mga Canadian na sina Barry Rosen at Jesse Scott.

Modus umano ng mga suspek na hikayatin na mag-invest sa stocks ang kanilang mga biktima, na pinangangakuan umano nilang kikita ng higit sa doble sa loob ng dalawang taon.

"What they're doing is selling stocks and shares on the stock market, usually bogus stocks," sabi ni Kenneth Gamble, executive chairman ng IFW Global, isang grupo na humahawak sa mga kaso ng internet crimes na nakipag-ugnayan sa NCRPO.

Inireklamo sila ng biktimang Australian na natangayan nila ng AU$2 milyon o higit P70 milyon.

"This victim lost his entire life savings," ani Gamble.

Bukod sa mga desktop computer at iba pang gadget, nakumpiska rin ng pulisya mula sa mga suspek ang isang shotgun.

Ayon kay NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, walang nabiktimang Pinoy ang tatlo pero marami na silang nabiktima sa ibang bansa.

"We are hoping that other victims, itong mga foreigner na kung nasaan man sila, with this operation, maaaring lumabas and coordinate with Mr. Kenneth Gamble and other law enforcement agencies," ani Eleazar.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek.

Sinampahan na ang tatlo ng mga kaukulang kaso habang nakikipag-ugnayan na ang NCRPO sa Bureau of Immigration.

Tinutugis na rin ng pulisya ang mga kasabwat nilang Pinoy.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.