Kenneth Dong, arestado sa kasong rape

Gigi Grande, ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 11:47 PM

Arestado ang negosyante at itinuturong Customs "middleman" na si Kenneth Dong sa kasong rape matapos niyang humarap sa Senado nitong Martes, Agosto 15. 

Nang makumpirma ng Parañaque City Police na nasa Senado si Dong, pinuntahan siya ng mga pulis para arestuhin.

Pero nang dumating sila, hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dong sa kaparehong kaso.

Noong July 21, 2016 pa ipinaaaresto ni Judge Aida Estrella Macapagal si Dong para sa kasong rape na umano'y nangyari sa isang lugar na pagmamay-ari ni Dong.

Hindi umano mahagilap ng mga awtoridad noon si Dong.

Pinabulaanan naman ni Dong na may kinalaman siya sa panggagahasa at iginiit na "set-up" iyon.

Ayon kay Dong, mas mahalaga sa kaniyang linisin ang pangalan kaugnay ng pag-aangkat ng droga. 

Non-bailable o walang piyansa ang kasong rape. Maaari nang umusad ang kaso, ngayong hawak na ng NBI si Dong.

Unang lumutang ang pangalan at retrato ni Dong sa Senado noong Hulyo 31, 2017, kung kailan iniimbestigahan ng Blue Ribbon Committee ang pagpuslit ng P6.4 bilyong shabu sa bansa.

Ayon sa witness na si Mark Taguba, si Dong ang itinuturong ''middleman'' ni Richard Tan, ang Chinese businessman na may-ari ng warehouse kung saan natagpuan ang shabu.

Kanina, ilang oras matapos sampahan ng NBI ng reklamo si Dong, Tan at pitong iba pa kaugnay ng "importation of dangerous drugs", ikinulong si Dong sa kasong rape. 

Ihaharap siya sa Parañaque RTC Branch 195 sa Miyerkoles, Agosto 16.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.