Umano'y rebelde patay, 2 sundalo sugatan sa engkuwentro sa Negros Oriental

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 11:18 PM

Kuha ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army

NEGROS ORIENTAL - Patay ang isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) habang sugatan ang 2 sundalo sa engkuwentro sa Guihulngan City nitong Biyernes.

Ayon kay Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nakatanggap sila ng impormasyong nanghihingi umano ng suporta ang mga rebelde sa Barangay Sundayao.

Nirespondehan ito ng mga sundalo at nagkaroon ng putukan Biyernes ng madaling-araw kung saan bahagyang nasugatan ang isang sundalo.

Hinabol ng mga sundalo ang mga rebelde at nagkabakbakan muli ang 2 hanay Biyernes ng tanghali, ani Pasaporte. 

Nagresulta ito sa pagkamatay ng umano'y miyembro ng NPA. Isa ring 
sundalo ang sugatan.

Agad na dinala sa Bacolod ang mga sundalo para gamutin. Pinaniniwalaan ng militar na marami ang sugatan sa panig ng NPA dahil sa mga bakas ng dugo sa lugar.

Narekober sa lugar ang isang shotgun at kalibre .45 baril na umano'y pagmamay-ari ng mga rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.