Mga gadget, kabilang ang nasa 4,000 cellphone nakumpiska sa Bilibid

ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 04:15 PM

MAYNILA - Nakuhanan ng mga gadget gaya ng cellphone, laptop, at iba pa ang ilang preso sa New Bilibid Prison. 

Batay ito sa naging inspeksyon ng mga awtoridad sa naturang piitan. 

Kasama sa mga nakumpiska ang aabot sa 4,000 cellphone. 

Ayon kay Bureau of Corrections spokesperson Col. Gabriel Chaclag, mahaharap sa disciplinary action ang mga presong nakuhanan ng kontrabando. 

"Marami po tayong iniimbestigahan ngayon. Hindi lang po natin pwedeng i-divulge ang mga details pero ongoing po 'yung mga investigation at sila rin po alam din nila 'yung administrative penalty. Malaki din ang impact, hindi lang para sa kanila, para din sa kanilang pamilya," ani Chaclag. 

Kasama sa maiimbestigahan ang mga tauhan ng BuCor na nalusutan ng mga kontrabando. 

Sinira na rin ang mga nakumpiskang kontrabando noong Huwebes. 

Inaalam pa ang halaga ng mga sinirang kontrabando at kung paano ito naipuslit sa kulungan. 

Idinagdag naman ni Chaclag na mas natutugunan na nila ngayon ang mga kaso ng COVID-19 sa Bilibid. 

Tuloy-tuloy rin aniya ang kanilang COVID-19 intervention at mas bihasa na rin ang kanilang mga health personnel. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.