Driver, 3 pasahero ligtas sa nasunog na van sa Ilagan City

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Aug 14 2020 12:15 PM

Nakaligtas ang driver at 3 pasahero ng van na nagliyab sa Barangay Baligatan sa Ilagan City. Larawan hango sa video na kuha ni Marcus Achuara

Nakaligtas ang driver at tatlo pang sakay ng isang van matapos ito magliyab Huwebes ng hapon sa Ilagan City. 
 
Sa video na kuha ni Bayan Patroller Marcus Guzman Achuara, kitang-kita ang paglamon ng apoy sa sasakyan habang ito ay nakahinto sa national highway ng Barangay Baligatan.

Sa inisyal na imbestigasyon, paakyat na ang sasakyan nang biglang umusok ang harapan nito saka nagliyab.

Agad namang dumating ang mga bombero para apulahin ang sunog.

Ayon kay City Fire Marshall Chief Inspector Angel Diquiatco, inaalam pa nila ang sanhi ng pagkasunog ng sasakyan.

Pero kabilang sa tinitingnan nila ay may kinalaman sa electrical connection ng sasakyan.

"Model 1992 pa, so ilang years na po itong sasakyan. Mayroon din sinasabi itong owner na parating nagloloko 'yung wiring," sabi ni Diquiatco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.