4 iniimbestigahan sa umano’y pagtangay ng P1.8 milyon para sa face shields

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 06:22 AM | Updated as of Aug 14 2020 10:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Humingi ng tulong sa Manila Police District ang dalawang babae mula Pangasinan na kukuha sana ng order nilang mga face shield sa Malate, Maynila.

Ayon sa mga biktima nitong Miyerkoles, nakilala nila sa social media ang nagpakilalang trader ng face shield sa rekomendasyon ng isang kaibigan.

Umorder sila ng P1.8 milyong halaga ng face shields para ibebenta sa probinsiya. Nagpagkasunduang magkabayaran sa isang hotel sa Malate at doon na rin ibibigay ang order na stock.

Pagdating pa lang sa hotel noong Linggo, inabot na umano ng mga biktima ang pera na mano-mano pang binilang ng mga inirereklamo.

Pero makaraan ang tatlong araw, wala pa ring ibinibigay na face shield ang mga katransaksyon nila.

Kwento ng isa sa mga biktima, idinadahilan sa kanila ang pagka-delay ng delivery at hindi umano makapagpark sa hotel ang trak na bitbit ang mga face shield.

Sa resibong ibinigay sa kanila, nasa P1.5 million lang ang nakasaad na halaga kahit higit P1.8 million ang ibinayad nila.

Ayon kay Police Col. Carlo Manuel, hepe ng Manila Police District Public Information, iiniimbestigahan pa apat na inimbitahan sa presinto. Kabilang dito ang isang lalaki at tatlong babae na itinuturong tumanggap ng pera at nagbigay ng resibo sa mga biktima.

Maaari silang kasuhan ng large-scale estafa. Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang 4.

Nagpaalala naman ang pulisya na maging mapanuri sa mga katransaksyon at huwag basta-bastang magtitiwala sa pagbibigay ng pera. 

Dagdag pa ni Manuel, hindi ito ang unang insidente ng panggagantso na may kaugnayan sa mga face shield lalo’t in demand ito ngayon dahil sa COVID-19. 

-- May ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.