10,000 residente ng Cavite isasali sa trial ng 2 experimental vaccines: gobernador

Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2020 05:14 PM

MAYNILA — Sampung libong residente sa Cavite ang isasailalim sa clinical trial para sa experimental vaccines kontra COVID-19, ayon sa gobernador ng lalawigan. 

 

Sasailalim sa phase 3 field trial ng 2 kilalang pharmaceutical giant mula sa US at UK ang mga residente ng Cavite, sabi ni Cavite governor Jonvic Remulla. 

Sabi ni Remulla, kasama sa pag-aaral para sa bakuna ang mahigit 10,000 volunteer recipients mula sa lalawigan na tatanggap ng experimental vaccine. 

"Ang Cavite ay malapit na sumailalim sa Phase 3 field trial ng dalawang kilalang pharmaceutical giant. Kasama sa pag-aaral ay ang mahigit sa 10,000 volunteer recipients ng experimental vaccine."

Sa trial na gagawin, 5,000 ang tatanggap ng bakuna, habang 5,000 rin ang tatanggap naman ng placebo. 

Nangangahulugan na ang placebo na matatanggap ng kalahati ay walang therapeutic effect at pampanatag o pampakalma lang sa mga pasyente. 

Paliwanag ni Remulla, ito ay standard protocol sa lahat ng clinical trials na ginagawa sa buong mundo. 

Ito rin daw ay bahagi sa 100,000 sample size na parte ng pangatlong level ng pagsusuri sa epekto ng bakuna. 

Ginagawa ang mga testing bilang bahagi ng pagbusisi sa validity at efficacy ng bakuna, kasama ng scientific community. 

Sakaling makapasa dito, doon pa lang magiging available ang bakuna sa publiko. 

Kasabay naman nito, nagpahayag ng pangamba si Remulla sa bakuna ng Russia na wala aniyang sapat na impormasyon, tulad ng methodology, at hindi pa rin daw ito naisasailalim sa review at analysis. 

Wala namang daw pinapaborang bansa o vaccine manufacturer si Remulla, pero gusto niya lang tiyakin ang kalusugan at kaligtasan ng mga taga-Cavite.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.