Sundalo sugatan sa pagsabog sa Patikul

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Aug 13 2019 01:43 PM

Isang sundalo ang nasugatan sa magkasunod na pagsabog sa Sitio Tibongbong, Barangay Igasan sa Patikul, Sulu, Martes ng umaga.

Sugatan sa pagsabog si Cpl. Rene Mediana mula sa 43rd K9 Platoon ng Philippine Army. Nasa ligtas na siyang kalagayan. 

Ayon sa tagapagsalita ng Western Mindanao Command na si Maj. Arvin Encinas, naganap ang unang pagsabog alas-7:34 ng umaga.

Hinihinalang isang improvised explosive device ang sumabog pero wala namang nasugatan dito.

Habang nagsasagawa ng clearing operations ang tropa ng 13th Special Forces Company kasama ng K9 units dakong alas-8:30 ng umaga, isa pang IED ang sumabog may 10 metro lamang ang layo mula sa unang blast site.

Dito na tinamaan ng shrapnel sa ibabang bahagi ng katawan si Mediana.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.