Agad bang matuturukan ang mga Pinoy ng COVID-19 vaccine ng Russia?

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2020 05:07 PM

MAYNILA — Naniniwala ang isang eksperto na masyado pang maaga para payagang gamitin sa bansa ang bakuna laban sa COVID-19 na gawa sa Russia. 

Sabi sa TeleRadyo ni Dr. Edsel Maurice Salvaña, isang infectious disease specialist, kailangang tingnan munang maigi ang datos at kung natapos na ang phase 3 clinical trial dito.
    
Kung hindi pa aniya tapos at wala pang malinaw na ebidensyang gumagana ito at ligtas gamitin, mainam aniyang tratuhin muna ang bakuna bilang "potential investigational drug."
    
Ayon kay Salvaña, maaari naman makilahok ang mga Pinoy sa clinical trial basta't may framework, ethics review at proper safety protocols.

"Ang decision to use po is actually dependent on each country. Ang WHO (World Health Organization) ay recommendatory lang po talaga yan. So each country will have to decide lalo na through its own FDA (Food and Drug Administration) kung safe and effective ang isang vaccine at papahintulutan nilang gamitin." ani Salvaña.
    
Kailangan din aniyang mailathala ito sa review journal para sa transparency at matingnan ng iba't ibang dalubhasa kung epektibo talaga ang bakuna.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.