Mga taga-NCR di dapat maging kampante sa dengue: Health official

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabala ang isang opisyal ng Department of Health (DOH) na hindi dapat maging kampante ang mga taga-National Capital Region (NCR) kahit mas mababa ang naitalang mga kaso ng dengue rito kumpara sa ibang rehiyon.

"This is a warning signal for everybody in NCR to be careful," ani Maria Paz Corales, assistant director ng DOH-NCR.

Nalampasan ng NCR noong dulo ng Hulyo ang alert threshold ng mga kaso ng dengue.

Sa pinakahuling tala noong Agosto 3, nasa 10,349 na ang kaso ng dengue sa NCR, kung saan 45 na ang namatay.

Quezon City, Maynila, at Caloocan ang mga lungsod na may pinakamaraming kaso.

Nalagpasan naman ng Taguig City ang epidemic threshold habang lumagpas na sa alert threshold ang Muntinlupa City.

Sa buong bansa, pang-7 ang NCR sa mga rehiyon na may pinakamaraming kaso ng dengue.

Nagdeklara noong Martes ang DOH ng national dengue epidemic, 3 linggo matapos magtaas ng national dengue alert dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng nasabing sakit sa ilang lugar sa bansa.

Sinabi rin ni Corales na hindi magiging sagot ang pagbabalik ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia sa kasalukuyang national dengue epidemic dahil may prosesong kailangang pagdaanan sakaling alisin ng DOH ang ban sa bakuna.

Magugunitang binawi ang certificate of product registration ng Dengvaxia matapos sabihin ng manufacturer nitong Sanofi Pasteur na maaaring magdulot ang bakuna ng malubhang sintomas kapag ibinigay sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.