Flights sa Hong Kong airport kanselado dahil sa mga protesta

ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kinansela ng Hong Kong Airport Authority ang mga flight nitong Lunes ng hapon dahil sa pagpapatuloy ng mga payapang protesta sa paliparan doon.

Bukod sa mga departure flight na nakapag-check in na at mga arrival flight na papunta sa Hong Kong, kanselado ang iba pang flights simula hapon ng Lunes, sabi sa pahayag ng airport authority.

Mabigat ang daloy ng trapiko sa mga kalsadang papunta ng paliparan, ayon sa airport authority.

Patuloy din ang pagdating sa paliparan ng mga bus na puno ng mga taong nakasuot ng itim na damit at naka-face mask, na suot ng mga demonstrador sa Hong Kong.

Ilang demonstrador ang tahimik na nakaupo sa pre-departure area ng paliparan, bitbit ang kani-kanilang mga placard.

Nag-ugat ang mga protesta sa pagtutol sa isang panukalang batas pero ngayo'y naging mga panawagan na para sa demokrasya sa Hong Kong, na sakop ng China.

May 230,000 Pinoy sa Hong Kong at karamihan sa kanila ay mga domestic worker, ayon sa Philippine Consulate.

-- Ulat ni Jacque Manabat at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.