42 pasahero, nailigtas mula sa lumubog na bangka sa Samar

Jennette Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Aug 12 2019 06:03 PM

Isang pampasaherong bangka ang lumubog sa karagatan sa bahagi ng Calbayog City. Larawan mula sa Philippine Coast Guard Calbayog City

CALBAYOG CITY - Nailigtas ng Philippine Coast Guard ang 42 pasahero at 7 tripulante ng isang pampasaherong bangka sa karagatan sa bahagi ng Calbayog City, Samar Lunes ng tanghali.

Ayon sa awtoridad, pasado alas-11 nang umalis sa pantalan ng Calbayog City ang MB Miar Ronces papunta sana sa Tagapul-an, Samar.

Nasa 100 metro pa lamang ang layo ng bangka mula sa pantalan nang biglang lumakas ang bugso ng hangin at lumaki ang alon. Pumasok ang tubig sa bangka at lumubog ang bahagi nito.

Agad namang nailigtas ang lahat ng sakay ng bangka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.