9 vendors at staff sa palengke sa Bacoor, positibo sa COVID-19

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2020 09:32 AM

Isasara ng isang linggo ang Bacoor Public Market para sumailalim sa disinfection matapos mag positibo sa COVID-19 ang 9 na katao. Jekki Pascual, ABS-CBN News

BACOOR - Isasailalim ang Bacoor Public Market sa isang linggong lockdown simula alas-10 ng umaga ng Martes.

Sa Executive Order No. 35 ni Mayor Lani Mercado-Revilla, idineklara niyang critical zone ang palengke dahil sa dami ng nag-positibo sa COVID-19.

Noong isang linggo, nagsagawa ng swab testing sa 200 na mga market vendors at staff ng palengke at lumabas ang resulta na 9 sa kanila ay positibo sa sakit.

Kabilang sa mga nag-positibo ang 4 na vendors sa loob ng palengke, 2 ambulant vendors sa labas at isang marshall. 

Bukod dito, may iba pa pang kaso na bina-validate pa ng City Health Office. 

Dahil dito, napagdesisyunan na i-lockdown ang palengke at pati ang nasa paligid nito. 

Walang puwedeng pumasok sa lugar sa loob ng pitong araw. Aabot ng hanggang 1,200 na mga vendors ang apektado ng lockdown at hindi rin muna sila puwedeng lumipat at magbenta sa sidewalk o sa ibang palengke. 

Malaki ang lugar na ideneklarang critical zone kaya sa ibang talipapa na lang muna maaring bumili ang mga residente. 

Magsasagawa ng disinfection sa palengke at inaasahan na magbubukas ito alas-5 ng umaga sa Agosto 18.