Ex-US Navy kulong matapos manapak ng babae sa Poblacion bar

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 04:30 PM | Updated as of Aug 11 2019 05:07 PM

MAYNILA (UPDATE) — Arestado nitong Linggo ang isang dating US Navy matapos umanong sapakin ang isang babae sa loob ng bar sa Barangay Poblacion, Makati City.

Kuwento ni alyas "Lora," sinita niya ang suspek na si Hector Elizarrarraras, 27, dahil tinatangka nitong pumasok sa banyo kasama ang isang babae.

"[Sabi ko] hindi puwedeng 2 tao sa isang cubicle, anong gagawin niyo doon boy and girl pa kayo. Super rude, super condescending... nag-attempt pa siyang duraan... Tapos sinuntok niya ako," ani Lora, na ngayon ay namamaga ang mukha dahil sa tindi ng sapak.

Depensa ni Elizarrarraras, hindi niya matandaan na nanapak siya dala umano ng kalasingan.

"I don't mean it. If I did, I didn't mean it intentionally, so sorry if I did... Purposely I wouldn’t punch anybody," ayon sa suspek.

Mahaharap sa kasong unjust vexation at physical injuries ang suspek.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines, Jr., hepe ng Makati police investigation unit, ipaaalam nila sa Bureau of Immigration ang paglabag ng suspek.

"Foreigners hindi kayo dapat magba-violate ng law o batas ng isang bansa. Ang pag-stay ng foreigners dito, hindi rights but privilege. 'Pag nagba-violate tayo, you are incorrigible and will be subject to deportation," ani Ines.

— Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.