21 tao na-ospital matapos kumain ng puffer fish sa Ozamis

Charmaine Awitan, ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2019 12:51 AM

OZAMIS CITY—Nalason ang 21 na residente sa San Antonio, Ozamis City matapos silang makakain ng puffer fish nitong Sabado.

Nagdala umano ang isang mangingisda ng puffer fish at niluto sa kanilang bahay bago pumunta ang kaniyang mga kapitbahay at doon kumain. 

Hindi na umano bago sa kanila ang pagkain ng puffer fish.

Makaraan ang mahigit isang oras, nakaranas na ng palpitation, pagkahilo at pagsusuka ang isa sa mga biktima na agad namang isinugod sa isang ospital.

Sumunod dito ang 20 pang biktima ng pagkalason. Labing-walo sa kanila ang kasalukuyang naka-confine sa ospital.

Ang puffer fish, o butete, ay nakalalason kung hindi tama ang paghahanda nito. Fugu ang tawag dito sa Japan at itinuturing itong delicacy na mga ekspertong kusinero lang ang pwedeng maghanda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.