Ninakaw na mga laptop sa DTI, narekober ng mga pulis

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 05:58 AM

MAYNILA—Narekober ng mga pulis ang 15 laptop na nawala sa opisina ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Makati City.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines ng Makati City police, nagsumbong sa kanila ang information system analyst ng DTI ukol sa mga nawawalang laptop sa loob ng computer room. 

Pagtingin ng mga awtoridad sa CCTV, nakita na may isang empleyado na naglabas ng mga laptop sa kuwarto at tuluyang ninakaw ang mga ito.

Napag-alaman ng mga pulis na sinanla ng empleyado ang mga laptop sa isang pawnshop sa Barangay Guadalupe sa halagang P229,500.

Sinulatan ng mga pulis ang pawnshop para isauli ang mga laptop alinsunod sa Presidential Decree 1612 o Anti-Fencing Law. 

Naibalik ang mga laptop sa ahensiya at patuloy na pinaghahanap ang empleyado.—Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.