5 araw nagpalutang-lutang sa dagat: 3 mangingisda nasagip sa Surigao del Norte

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 01:17 PM

Nagpalutang-lutang sa dagat ng limang araw ang tatlong mangingisda matapos lumubog ang kanilang bangka. Larawan mula sa Sta. Monica Municipal Police Station


STA. MONICA, Surigao del Norte – Tatlong mangingisda ang nasagip sa dagat nitong Biyernes, limang araw matapos tumaob ang kanilang bangka.

Sa imbestigasyon ng pulisya, Agosto 4 nang naglayag papuntang bayan ng Socorro ang mga mangingisdang sina Ador Varquez, 49, Cliford Mante, 27, at Jerry Boiser, 25, pawang residente ng Barangay Rizal dito sa bayan. 

Pagdating sa bahagi ng Siargao Island, tumaob ang kanilang bangka dahil sa malaking alon.

“Pag-alis nila masama daw 'yung panahon banda sa Siargao Island. Doon tumaob 'yung bangka at after five days pa sila na-rescue. 'Yung pulis kasi natin nag-seaborne kasama 'yung Bantay Dagat at doon nakita sila sa dagat,” pahayag ni Police Lt. Col. Christian Rafols, tagapagsalita ng Police Regional Office 13.

Dagdag pa ni Rafols, hinati-hati ng mga mangingisda ang dala nilang tubig na maiinom at maging ang isdang nahuli nila ay kinain na kahit hilaw pa para makaligtas.

Agosto 4 rin nang maglabas ng advisory ang state weather bureau hinggil sa pagbabawal sa mga mangingisda na may maliliit na sasakyang pandagat na pumalaot sa western seaboards ng Northern at Central Luzon, seaboard ng Southern Luzon at Visayas at eastern seaboards ng Mindanao dahil sa posibleng rough sea conditions dulot ng bagyong Hanna.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.