Negosyante patay sa pamamaril sa Tagum City

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2020 03:16 PM

Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Mankilam, Tagum City, tanghali ng Sabado.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Jaime Magnanao, 49, na binawian ng buhay dahil sa mga tama ng bala sa dibdib at tiyan.

Katatapos lang ng blessing at opening ng bagong negosyong motorshop ni Magnanao nang biglang tumigil ang isang van sa harap ng establisimyento, at pinagbabaril siya ng isa sa mga pasahero, ayon sa imbestigasyon.

Nakapaputok pa umano ng baril ang mga bodyguard ng biktima pero mabilis na nakatakas ang van.

Ayon kay Lt. Col. Jed Clamor, hepe ng Tagum police, away sa negosyo o personal na galit ang ilan sa mga tinitingnang motibo sa krimen.

Bumuo na ng tracker team ang pulisya para matukoy ang mga salarin. -- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.