State of calamity idineklara sa Zamboanga City sanhi ng dengue

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2019 04:35 PM | Updated as of Aug 09 2019 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isinailalim na sa state of calamity ang buong Zamboanga City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa lungsod.

Ayon kay Elmeir Apolinario, head ng Zamboanga City Disaster Risk Reduction and Management (ZCDRRM) office, umabot na sa epidemic threshold ang mga kaso ng dengue sa buwan ng Hulyo na pumalo sa 1,283.

Higit 4,000 na rin ang dengue cases sa buong lungsod mula Enero hanggang Hulyo nitong taon, higit doble sa bilang kung ikukumpara sa buong 2018 na umabot lang ng halos 2,000 kaso.

Dagdag ni Apolinario, hindi nila agad isinailalim sa state of calamity ang lungsod sa kabila ng tumataas na mga kaso ng dengue sa mga nakaraang buwan. Ito’y dahil sa hindi pa naiaalis ang naunang deklarasyon ng state of calamity sa lungsod bunsod naman ng El Niño hanggang nitong Martes nang mag-convene ang ZCDRRM Council.

Kinabukasan, naglabas ng resolusyon ang council na isinasailalim ang buong lungsod sa state of calamity dahil sa mga kaso ng dengue. 

Ayon naman kay Councilor John Dalipe, chairperson ng Committee on Health and Sanitation, hindi kailangang dumaan pa sa Sangguniang Panlungsod bago maisailalim sa state of calamity ang Zamboanga City.

Ito’y dahil sa nagdeklara na ang Department of Health ng national dengue epidemic dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng dengue sa buong bansa.

Plano ngayon ng ZCDRRM office na gamitin ang disaster fund para bumili ng 10 fogging at misting machine na gagamitin sa kampanya kontra dengue.

Bibili rin sila ng iba pang gamit at supply para ipamahagi sa mga barangay na may mataas na kaso ng dengue.

Ayon kay Apolinario, puwede na rin gamitin ng mga barangay ang kanilang 30-porsiyentong quick response fund para sa kanilang kampanya laban sa dengue.

Sa ngayon, umaabot na sa 23 ang namatay sa lungsod dahil sa dengue kung saan karamihan sa kanila ay mga menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.